BAT Gising Ka Pa?
He is June LA, a 19 year-old guy from Quezon City, Philippines. INC.

Proudly Pinoy!Read the Printed Word!
Sa gabi ako madalas lumilitaw na kung tawagin ay nocturnal. Pero hindi ako si Batman, isa akong paniki lamang. Sapagkat si Batman ay maraming abs sa tiyan, at naglalakihang muscles sa magkabilaan, na hindi mo makikita sa aking katawan.
Hindi ako superhero, pero isa akong musik-hero. Hindi ko rin gustong maging kasing lakas ni Superman, gusto ko lang maranasan na maging isang laruan. Isang laruan na kahit pinaglalaruan lang, hindi nasasaktan dahil walang pakiramdam.

Puting paniki na takot sa butiki.

Koreanobela

Dahil hindi naman ako masyadong abala nitong mga nakaraang araw, pero hindi naman makapagsulat dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan, nanuod nalang ako ng Koreanobela na kasalukuyang pinapalabas sa telebisyon gabi-gabi na isa rin sa inaabangan ko. Nagbaka sakali rin na pagtapos nito’y makakapagsulat na ulit ako.

Pero hindi talaga sapat sa’kin ‘yung ilang minuto lang na pagsulpot nito sa telebisyon matapos kong maghapong abangan. Bitin na bitin ako, kaya’t mas minabuti kong maghanap sa internet ng buong istorya, katulad lang rin ng dati kong ginagawa noon sa ibang palabas.

At dahil sa labing anim na bahagi nito na humigit-kumulang isang oras kada isa, mas lalo akong hindi nakapagsulat nang maayos. Mas lalo akong hindi nakatulog, mas lalong napuyat.

Pero ayos lang dahil napakaganda ng istorya. Lalo akong pinahanga ng Korea sa paggawa nila ng mga pelikula. Mapa-action man o fantasy movie, ang husay lang talaga. Ang buong istorya, maging ‘yung pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, bawat tagpo, at sabayan pa ng angkop at nakakaantig na background music— panalo. Ang ganda.

Tipikal ito sa mga babae, pero hindi ko ikinahihiyang isa rin ako sa mga nahuhumaling sa panunuod ng tinatawag na fantasy movie at ng Korean Drama. Tutal sa tingin ko, hindi naman ‘to nakakabawas ng pagkalalake— medyo kakaiba lang *LOL.

At kaya siguro napakaraming istorya na binubuo ng pantasya at imahinasyon, e dahil bukod kasi sa libre ay talaga namang napakasarap mangarap. Ito siguro ang dahilan kaya’t kung minsan, kahit masyado nang malayo sa realidad ang istorya, nagugustuhan pa rin ng karamihan. Pasok kasi ‘yung temang gustong gusto ng mga tao na kung tawagin ay “True Love” at hahantong ang istorya sa “Happy ending”.

Whew. Sarap lang talagang mangarap.

At ngayon, sa wakas ay natapos ko na rin. At akalain mo ‘yon, nakapagsulat na ulit ako. ‘Yun nga lang hindi naman kasing ganda ng pinanuod ko. At malamang wala ‘tong kwenta dahil parang nagkuwento lang naman ako ng kasabawan ko.

May 20, 2013

Sa Kalsada

Ugali na talaga ng aso ko ang sumunod nang sumunod sa’kin kahit saan ako pumunta. Nakakatuwa pero minsan nakakainis rin. Kapag sinundan ka kasi niya sa pupuntahan mo, hindi talaga siya uuwi hangga’t hindi ka rin umuuwi. Inaaway lang din siya ng mga kapwa niya aso sa kalye. Kaya bago umalis ng bahay, kung anu-anong orasyon at ritwal pa ang kailangan kong gawin para lang hindi siya sumunod sa’kin. Kailangan ko siyang kumbinsihin na manatili lang sa bahay tuwing kinakailangan kong umalis.

Ayaw ko naman siyang itali dahil baka biglang tumapang o baka naman magbago ang ugali. Hindi rin ako sanay na ikinukulong ang aso. Ang gusto ko lang sana, kahit wala siyang tali e matuto siyang alamin ‘yung limitasyon niya at huwag ugaliing sumunod nang sumunod kung saan ko gustong pumunta.

Kagabi, lumabas lang ako saglit dahil may kailangan akong bilhin sa tindahan. Sinundan niya ako at wala na rin akong nagawa, hinayaan ko nalang tutal saglit lang rin naman akong lalabas.

Pero maya maya nang pauwi na ako, may isang motorsiklong hindi ganun kabilis ang takbo. Papalapit palang siya’y nakatingin na sa aso ko. Agad nag-init ang ulo ko dahil sa nakita ko. Para bang intensyon niya talagang sagasaan— at nakatingin lang siya sa aso ko habang kinakaladkad ito ng kaniyang motorsiklo. Hindi naririnig ng lalake ang boses ko kaya’t nilakasan ko pa ang sigaw ko.

Hindi ko napigilan ang sarili ko at halos magwala ako sa galit. Nasa katwiran naman ako kaya’t sinigaw-sigawan ko siya, at naasar pa ako sa sagot niya “Ay, aso mo ba ‘yan? Tumawid kasi eh.”

Kitang-kita ko ang pangyayari at maging sa sagot niyang ‘yon, hindi niya rin maikailang nakita niya talaga ang aso ko, at malamang ay intensyon niya ngang patayin sa buong akala niya na walang may-ari sa aso.

Nanggigil ako sa kaniya pero mas inuna kong bigyan ng pansin ang alaga kong sinagasaan niya. Akala ko’y patay na ito. Buti nalang at bumangon pa kahit pilay-pilay nang nagta-tatakbo para makauwi sa’ming bahay. Awang-awa ako sa aso ko at nanggagalaiti sa driver ng motorsiklong ‘yon. Hindi manlang siya humingi ng pasensya. Pasalamat nalang siya dahil mas inintindi ko ‘yung aso ko kaysa sa galit ko sa kaniya.

Before and After

Habang nakaupo sa sala, hawak ko ‘yung cellphone ni ate at hawak niya naman ‘yung sa’kin. Ang dami niyang tanong tungkol sa selpon ko, “Bakit ganito ‘yung wallpaper mo? Bakit ganito ‘yung ringtone mo? Bakit ang kalat ng mga shortcuts? Bakit ang gulo ng mga folder? Bakit ganito? Bakit ganun?” Puro nalang may “bakit?”. Bakit nga ba e cellphone ko naman ‘yun? Bakit ba?

Natatawa nalang ako sa kaniya. Kaya naman pala laging nagtataka ‘yung asawa niya, “Bakit nawala ‘yung mga shortcuts ko rito? Nasaan na ‘yung mga folder? Eh? Bakit ganito na ring tone ko?” Siya pala ang salarin, akala ko naman ‘yung mga pamangkin ko ang may kagagawan.

Halos lahat ng settings binago niya. Inayos niya rin ‘yung mga shortcuts. Inayos ‘yung mga folder. Hindi na ako makapalag, hinayaan ko nalang siya. Pwede ko naman ibalik sa dati, kaya sa loob loob ko, Sige lang, bahala kana diyan. Tutal nalilibang naman ako sa paglalaro ng selpon niya. Ayos na rin.

Pero nang ipinakita niya na sa’kin ‘yung cellphone ko. Imbis na ibalik ko sa dati nitong settings e tama nga siya. Mukhang mas maayos ngang tignan kumpara sa dati. “Oha ‘di ba? Mas maayos na ngayon. Ganyan kasi dapat. Disenteng tignan.” Sabi niya sa’kin.

May 14, 2013
Nakakatuwa lang ‘yung ate ko dahil lagi akong naiisipang bilihan at bigyan ng ganitong klase ng key chain. ‘Yung iba nakasabit sa bag ko, ‘yung iba napatid na ‘di ko na alam kung saan nahulog. Siguro dahil nga alam niyang mahilig ako sa key chain at mahilig rin sa musika. Pero ang hinihintay ko ay ‘yung sana maisipan niya rin na totoong ukulele na ang ibigay sa’kin. At pag nangyari ‘yon, papangalanan ko ‘yon ng “UkuLea” *LOL. Kengkoy pakinggan, pero bahala siya, buo na ang pasya ko, ‘yon talaga ang trip ko.

Nakakatuwa lang ‘yung ate ko dahil lagi akong naiisipang bilihan at bigyan ng ganitong klase ng key chain. ‘Yung iba nakasabit sa bag ko, ‘yung iba napatid na ‘di ko na alam kung saan nahulog. Siguro dahil nga alam niyang mahilig ako sa key chain at mahilig rin sa musika. Pero ang hinihintay ko ay ‘yung sana maisipan niya rin na totoong ukulele na ang ibigay sa’kin. At pag nangyari ‘yon, papangalanan ko ‘yon ng “UkuLea” *LOL. Kengkoy pakinggan, pero bahala siya, buo na ang pasya ko, ‘yon talaga ang trip ko.

Merienda

“Ano kayang masarap na meryenda ngayong hapon?” Tanong ko sa sarili ko habang kumukulo ang tiyan…

Panganay sa magkakapatid si Ramon, hindi niya tunay na pangalan. Kabilang siya sa mga mahihirap na mamamayan ng ating bansa. Ang pamilya niya ay umaasa lang sa sapat na kinikita ng kaniyang Ina araw-araw sa paglalako ng meryenda sa mga kalye at kalsada.

Noong nasa elementarya palang si Ramon, tuwing pagkatapos na pagkatapos ng klase ay agad na itong dumidiretso sa pag-uwi at nagmamadali. Hinahabol ang oras para lang matulungan ang kaniyang ina sa paghahanap-buhay. Magkaibang kalye ang tinatahak nilang mag-ina para makarami ng benta. Araw araw nilang sinusuyod ang bawat makitang eskenita.

Halos tatlong taon na silang naglalako ng Buchi kaya’t kilala na rin sila sa iba’t-ibang lugar. Marami na rin silang mga suki. At awa ng Diyos, kumikita naman sila sa pagtitinda. Ngunit minsan, hindi talaga sumasapat sa sikmura nilang mag-anak ang maliit nilang kinikita. Lalo na’t pataas pa nang pataas ang mga bilihin at napakarami pang bayarin.

Hanggang sa naisipan nilang dagdagan pa ang inilalako nilang meryenda. Idinagdag sa basket na pinapasanpasan araw-araw ang mainit-init na Pilipit, kasabay ng Buchi. Imbis na paglalaro ang atupagin, tuloy sa pakikipagsapalaran si Ramon sa gitna ng kaniyang kamusmusan.

Nagkaroon ng mga ngiting may sigla ang mukha dahil kahit papaano’y tumataas ang kaniyang kita. Ngunit marahil ay alam niyang hindi pa rin ito sasapat sa kanilang pamilya.

Bumilang pa ng mga taon, tumungtong na sa mataas na paaralan si Ramon. Ngunit hindi pa rin nagbabago ang sistema. Ganun pa rin ang hanap-buhay nila. At naisipan muli ng kaniyang ina na dagdagan pa ang mga paninda. Nasurpresa ako sa narinig ko. Dahil ang dating isinisigaw ni Ramon ay napalitan na. “Buchi!… Pilipit, Carioca!” Nag-umpisa lamang sa Buchi, ngunit ngayon, tatlong klase na ng meryenda ang kanilang inilalako.

Buong araw, walang pagod sa kakasigaw ang lalamunan. Araw-araw, matinding pawis ang puhunan.

Ilang taon pa ang muling lumipas. Malayo-layo na rin pala ang narating ni Ramon sa kabila ng matinding kahirapan. Malamang, masayang-masaya ang kaniyang Ina para sa kaniya, dahil ang balita ko, nakapagtapos na raw ang binatilyo ng High School.

Habang tumatanda si Ramon, kasabay ng pagbigat ng mga pagsubok sa buhay niya, e tila ba’y pabigat rin nang pabigat ang binibitbit niya. Pagkatapos ng mahabang panahon, muli na naman akong nasurpresa sa narinig ko. Sapagkat ang Buchi, Pilipit, Carioca na itinitinda nila ay hindi ko inasahang madaragdagan pa.

Subalit ‘yon na ang pinakahuling nakita kong nagtinda si Ramon. Matagal-tagal na rin nang huli siyang naglako ng meryenda. Pasukan man o bakasyon, hindi ko na naririnig ang tinig ng binatilyo, at hindi ko na rin nakikita ang napakasipag niyang Ina. Kung hindi ako nagkakamali, maglilimang taon mahigit na akong walang balita sa kanila.

Musmos palang kasi ako, naglalako na sila dito sa’ming lugar. Kaya’t kung minsan, sumasagi talaga sa isip ko at napapaisip rin kung ano na kayang nangyari sa kanila. Kumusta na kaya ang buhay nila ngayon? Ano na kaya ang hanap-buhay nila?

“…nasaan na kaya ang masipag na mag-ina na araw-araw dating isinisigaw sa kalsada ang mainit-init na Buchi, Pilipit, Carioca— at ang napakasarap na Ginataan?” Nagmamaktol na talaga ang tiyan ko. Oras na para magmeryenda!

______________________________

  • Buchi - sweet mongo paste in fried dough, usually on sticks.
  • Pilipit - rice starch cooked with caramel.
  • Carioca - deep-fried glutinous rice flour cakes served on skewers.
  • Ginataan - root vegetables and fruit in sweetened coconut milk with chewy balls of mochi (bilo bilo).

Convo sa Tindahan

“Pa-load.”

“Number?” Sabi ng tindera.

“09…*chu-chu-blah-blah-blah-ek-ek-che-ness.*” Tapos iniharap niya na sa’kin ‘yung selpon

“Paki-check Kuya kung tama ba ‘yung number.” Sabi niya.

Limang segundo. 1, 2, 3, 4…

“Ugh! e? ‘Di ko makita. Pasensya na, medyo malabo mata ko e.” Ngumiti ako. “…pakisabi nalang isa-isa ‘yung number.” Nahiya tuloy ako. Medyo pinagpawisan.

“Oh talaga Kuya? Malabo na pala mata mo? Dapat kasi magsalamin ka.” Napangiti siya, saka ko lang napansin na ang cute niya pala. *ayeee*

“Ayokong magsalamin. Nalalaglag kasi e.” Sabay tinitigan niya ‘yung ilong ko. Napansin niya rin siguro na hindi talaga ganun katangos.

“Hahaha! Si Kuya patawa!” Seryoso ako. Pero tawa naman siya nang tawa. May halong ngiti na parang natuwa sa’kin.

Pag-uwi ko ng bahay saka ko lang napagtanto ‘yung kahihiyang ginawa ko. Ako ba talaga ‘yon? Pakiramdam ko nagmukha akong payaso. Sabi ko na nga ba, nakakasama na sa’kin ang pagpupuyat e.

May 13, 2013
Tulad nating dalawa, pareho tayong walang kapareha, ngunit hindi pala para sa isa’t-isa.

Tulad nating dalawa, pareho tayong walang kapareha, ngunit hindi pala para sa isa’t-isa.

May 11, 2013
Para sayo ‘to, nag-iisang hardworking Mom ng buhay ko. Kahit pa hindi mo ‘to mabasa, alam ko naman na alam mo at nararamdaman mong nandito kami palagi para sa’yo. Hindi lang dahil mother’s day.
Kahit simple lang ang buhay natin, masaya naman. Ang maipagmamalaki naming magkakapatid sa iba, ay ‘yung pinalaki mo kami nang maayos. Lumaki kaming simple lang ngunit may banal na takot sa lumalang. Kaming mga supling mo ang ebidensiya at repleksyon kung gaano ka naging isang mabuting ina. Nakakalungkot mang isipin na hindi nanatiling buo ang pamilya natin, pero pinatunayan mo naman sa’min na hindi ‘yon hadlang para lumaki kaming mabait at magalang.
Kahit tinuruan mo kami kung paano maging magalang sa ibang tao, kapag tayo-tayo lang ang nag-uusap parang mag-babarkada lang. Mas gusto natin ‘yung tipikal na usapan lang. Sobrang malapit kasi tayo sa isa’t-isa kaya’t hindi na nagkakaroon ng puwang ang ‘po at opo’ sa’ting mga kuwentuhan.
Magkakaiba man kami ng ugali, pantay pantay pa rin kami sa paningin mo. Hindi naging sukatan ang panganay at bunso, hindi rin naging basehan ang aming mga edad.
Nagsikap ka, ginawa ang lahat ng mabuting paraan para mabuhay tayo nang maayos sa kabila ng kahirapan, ‘yon ang hinding-hindi namin matutumbasan. At wala ring dahilan para hindi ka namin mahalin at pasalamatan. Kaya isang Happy, happy, happy Mother’s Day sa’yo at sa lahat ng nanay na katulad mo. *Smile*

Para sayo ‘to, nag-iisang hardworking Mom ng buhay ko. Kahit pa hindi mo ‘to mabasa, alam ko naman na alam mo at nararamdaman mong nandito kami palagi para sa’yo. Hindi lang dahil mother’s day.

Kahit simple lang ang buhay natin, masaya naman. Ang maipagmamalaki naming magkakapatid sa iba, ay ‘yung pinalaki mo kami nang maayos. Lumaki kaming simple lang ngunit may banal na takot sa lumalang. Kaming mga supling mo ang ebidensiya at repleksyon kung gaano ka naging isang mabuting ina. Nakakalungkot mang isipin na hindi nanatiling buo ang pamilya natin, pero pinatunayan mo naman sa’min na hindi ‘yon hadlang para lumaki kaming mabait at magalang.

Kahit tinuruan mo kami kung paano maging magalang sa ibang tao, kapag tayo-tayo lang ang nag-uusap parang mag-babarkada lang. Mas gusto natin ‘yung tipikal na usapan lang. Sobrang malapit kasi tayo sa isa’t-isa kaya’t hindi na nagkakaroon ng puwang ang ‘po at opo’ sa’ting mga kuwentuhan.

Magkakaiba man kami ng ugali, pantay pantay pa rin kami sa paningin mo. Hindi naging sukatan ang panganay at bunso, hindi rin naging basehan ang aming mga edad.

Nagsikap ka, ginawa ang lahat ng mabuting paraan para mabuhay tayo nang maayos sa kabila ng kahirapan, ‘yon ang hinding-hindi namin matutumbasan. At wala ring dahilan para hindi ka namin mahalin at pasalamatan. Kaya isang Happy, happy, happy Mother’s Day sa’yo at sa lahat ng nanay na katulad mo. *Smile*

College Life

Kapag hinalungkat ko pala ‘yung mga nakaraan na nag-aaral pa ako sa kolehiyo, napakarami pa palang masasayang alaala na hindi ko pa naikukuwento sa iba.

Umpisa palang, nang umakyat ako sa ikalawang palapag ng aming paaralan para mag-enroll, hindi ko inakalang ganun pala ang sistema kapag pumasok ka sa isang pribadong paaralan. Sa mga unang hakbang palang, sinasalubong kana ng mga ngiting tila nagsasabing “Tuloy po kayo!” Hindi pala katulad sa pampublikong eskwelahan na pinanggalingan ko noong hayskul ako na may masusungit na bantay.

Habang nakaupo ako sa tapat ng registrar, pinagtitinginan ako ng mga taong hindi bababa sa sampu ang bilang. Sa tono ng pag-uusap nila at mga tawanan, masasabi mong mga dating estudyante na sila, at maaaring isa o dalawang taon sila sa’kin nauna. May kamukha daw kasi akong estudyante na kamag-aaral nila dati, isang varsity player. Pero hindi ko na siya naabutan kaya’t hindi ko rin masasabi kung kamukha ko ba talaga siya o hindi. At nang makita ko silang masayang nagkukuwentuhan, nagkaroon ako ng tanong sa sarili ko: Magiging masaya kaya ang college life ko?

Makalipas ang ilang buwan, eto na at unang araw na ng pasukan. Dahil bagong pakikipagsapalaran, at may mga iba’t-ibang klase ng tao na naman akong pakikisamahan—hindi ko maiwasang kabahan.

Pagpasok sa isang room, nakakalusaw na tingin ang sumalubong sa’kin kaya’t mas madalas akong sa sahig nalang nakatingin. Naghanap ako ng puwesto kung saan wala akong katabi, gusto ko ‘yung mag-isa lang ako, pero hindi naman puwede ang gusto kong mangyari. Kaya’t pumuwesto nalang ako sa pinakagilid malapit sa bintana. Ganito naman talaga ang pakiramdam kapag unang araw ng eskwela. At saka hindi rin naman kasi ganun kaganda ang buhay ko noong hayskul kaya’t natatakot ako, ayoko nang maulit ‘yon sa kolehiyo. Ingat na ingat ako sa mga kilos ko.

Gusto kong magkaroon ng maraming kaibigan, pero sobrang mahiyain ako— ‘yun ang problema sa’kin. Kaya sa araw-araw na pagpasok ko sa eskwela, baon ko lagi ang katahimikan. Naghihintay lang ako ng mga taong gusto akong kausapin, at kung papalarin akong makatagpo ng mga taong gusto akong maging kaibigan, hindi ako magdadalawang isip.

Hanggang sa ilang linggo at ilang buwan na rin ang lumipas, hindi ko inakala na lahat pala ng mga kaklase ko ay makakasundo ko. Iba’t-ibang ugali pero hindi sila namimili ng pakikisamahan. Walang halong kaplastikan. At ang sayang isipin na napakarami ko ring naging kaibigan na may mga matatayog na sense of humor. Sila ‘yung mga taong nagpapasaya sa’kin sa kabila ng mahirap na buhay sa kolehiyo. “Gawin nating kasing saya ng high school life ang college life natin para hindi tayo mahirapan.” Sabi ng isa kong kaklase.

Nang marinig ko ‘yon, naisip ko na napakasaya talaga siguro ng buhay nila noong hayskul pa sila. Dahil sa totoo lang, hindi ko naman naranasang sumaya noong nasa high school pa ako. Napagtanto ko na ganito pala kasaya ‘yung ‘high school life’ na sinasabi nila— na hindi ko inakalang sa buhay kolehiyo ko pala mararanasan. Napagtanto ko na apat na taon pala akong nakakulong dati sa isang paaralan na ni minsan hindi ako naging masaya. Kaya bukod sa bespren kong pumanaw, sobrang minahal ko rin ang mga naging barkada ko sa kolehiyo. Malaking parte sila ng buhay ko. Sila ‘yung bumuo sa pagkatao ko.

Week end na naman. Isang linggo na naman akong parang ‘wala lang’.

 
1 of 19
Older entries >>